Cardinal Re, nanawagan sa panalangin, pagkakaisa, at isang Santo Papa "ayon sa puso ng Diyos" sa pagsisimula ng Conclave
LUNGSOD NG VATICANO — Mayo 7, 2025
Ilang oras bago pumasok ang mga Kardinal sa Sistine Chapel upang pumili ng kahalili ni Papa Francisco, nagbigay ng makapangyarihang homiliya si Cardinal Giovanni Battista Re, Dekano ng Kolehiyo ng mga Kardinal, sa Misa ng “Pro Eligendo Romano Pontifice” sa Basilika ni San Pedro.
Bagamat 91 taong gulang at hindi na maaaring bumoto, si Cardinal Re ang nagsilbing espirituwal na gabay sa mahalagang sandaling ito sa kasaysayan ng Simbahan. Hinimok niya ang mga kapwa kardinal na isantabi ang pansariling interes at taimtim na manalangin para sa paggabay ng Espiritu Santo. “Narito tayo upang hilingin ang kanyang liwanag at lakas,” aniya, “upang ang mapipiling Papa ay siyang kailangan ng Simbahan at ng sangkatauhan sa panahong ito ng matinding pagsubok at pagbabago.”
Binigyang-diin niya ang utos ni Hesus na “mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo,” at nanawagan para sa isang Santo Papa na may kakayahang pag-isahin ang Simbahan sa diwa ng komunyon, kababaang-loob, at handang mag-alay ng sarili para sa kapwa. Ipinaalala rin niya ang halimbawa ni Hesus na naghugas ng paa ng kanyang mga alagad, kabilang si Judas na magkakanulo sa Kanya.
Nagpanalangin si Cardinal Re para sa isang Papa na magigising ang budhi ng sangkatauhan sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya ngunit unti-unting pagkalimot sa Diyos.
Habang nagsisimula ang
conclave, nakatuon ang mata ng buong mundo sa Sistine Chapel — at sa paglabas ng puting usok na maghahayag ng bagong lider ng Simbahang Katolika/ Fr. Lito Jopson, Catholic News flash

Comments
Post a Comment