Conclave: tanda ng pagtutulungan ng mga Kardinal sa Simbahan at Santo Papa - Tagle


Mayo 9, 2025, Roma - Sa Press Conference na inorganisa ng Pontificio Collegio Filippino, ang tatlong Pilipinong Kardinal ay nagpahayag ng kanilang saloobin ukol sa naganap na conclave at sa bagong halal na Santo Papa Leon XIV. 

Ayon kay Cardinal Luis Antonio Tagle, ang conclave ay nag-iwan ng magandang mensahe ng pagtutulungan at suporta ng mga Kardinal sa Santo Papa saan mang dako ng mundo, "Kung magdasal tayo, huwag nating iwang mag-isa ang Santo Papa. Habang naririnig namin ang mga situwasyon ng mga bansa, natatanong namin, 'Paano kaya kami makatutulong sa ibang mga bansa?" Kailangan ang pagtutulungan habang nakikita rin ng Santo Papa ang situwasyon ng buong daigdig.

Dagdag ni Cardinal Jose Advincula: "Isa sa mga pinaka-nakaaantig na karanasan ay noong may ilang kardinal na, bago pa man ihayag kung sino ang magiging Santo Papa, ay alam na sa kanilang puso kung sino ang pinili ng Espiritu Santo. Ang sabi nila, ‘Sino ka man, ipinapangako ko na ang aking suporta at katapatan ay sa iyo na.’ Kahit wala pang mukha, ramdam na ang pagkakaisa at pananagutan—na ang magiging Santo Papa ay hindi mag-iisa sa kanyang misyon, kundi dadalhin ito ng buong Simbahan."

Ayon kay Cardinal Pablo David, personal niyang sinabi sa bagong Santo Papa: “Sana po ay makadalaw kayo sa Pilipinas.” Tugon ng Santo Papa: “Kung loloobin ng Diyos.”

Tungkol naman sa mga programang sinimulan ni Pope Francis, tiniyak ni Cardinal Tagle na ipagpapatuloy ito ni Pope Leo XIV. “Hindi siya clone, pero hindi rin tatalikod sa malasakit para sa mahihirap, migrante, at kalikasan,” aniya.

Ayon din kay Cardinal David, mahalaga para kay Pope Leo ang pagkakaisa at kapayapaan. “Hindi lang siya lider espiritwal—isa rin siyang tulay ng pagkakasundo,” dagdag niya.

Sa isyu ng social media at teknolohiya, ibinunyag ni Cardinal Tagle na kahit malaki ang maitutulong ng teknolohiya sa misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita, may pangamba rin gamitin ang kanyang boses at mukha sa mga pekeng produkto online. “Nakakapagod at nakakasama ng loob, pero Diyos ang huhusga,” aniya.

Ang solemneng inagurasyon ni Pope Leo XIV ay nakatakda sa May 18, 2025, alas-diyes ng umaga sa Vatican./ Fr. Lito Jopson, Catholic TV News flash. 



Comments

Popular posts from this blog

Cardinal Re, nanawagan sa panalangin, pagkakaisa, at isang Santo Papa "ayon sa puso ng Diyos" sa pagsisimula ng Conclave

Sino si Leo XIV?

2nd voting: still no Pope