Mensahe sa Linggo ng Mabuting Pastol: "Huwag kayong matakot!" - Papa Leon XIV
Ika-11 ng Mayo 2025, Lungsod ng Vaticano - Sa Loggia ng Pagbabasbas sa St. Peter's Basilica, pinangunahan ni Santo Papa Leon XIV ang kanyang kauna-unahang Regina Caeli bilang Obispo ng Roma, kasabay ng pagdiriwang ng Good Shepherd Sunday — ang ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay. Sa kanyang mensahe, itinuturing ng Santo Papa na isang biyaya na ang kanyang unang Linggo sa bagong tungkulin ay tumapat sa paggunita sa Mabuting Pastol, si Hesus, na nagmamahal, nakakakilala, at handang mag-alay ng buhay para sa kanyang mga tupa.
Bukod dito, ginugunita rin ngayon ang Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa Bokasyon, na ginaganap na sa loob ng 62 taon. Ayon sa Santo Papa, napakahalaga ng papel ng mga kabataan na naglalakbay sa landas ng bokasyon — partikular sa pagpapari at buhay relihiyoso. Hinihikayat niyang bigyan sila ng pagtanggap, pakikinig, at inspirasyon mula sa mga pamayanang simbahan.
Idinagdag din niya ang pagbati sa mga kalahok ng Jubileo ng Mga Banda at Entertainment na ginaganap ngayon sa Roma, na nagbibigay kulay at kasiyahan sa pagdiriwang ng Mabuting Pastol.
Sa kanyang panawagan, sinabi niya: "Huwag kayong matakot! Tanggapin ninyo ang paanyaya ng Simbahan at ni Kristo!" Hinikayat rin ng Santo Papa ang bawat isa na maging tagapaglingkod sa kapwa, ayon sa kanilang bokasyon, at maging pastol ayon sa puso ng Diyos.
At sa pagtatapos, hiniling niya ang patnubay ni Birheng Maria na sumama sa ating lahat sa pagsunod kay Hesus./ Fr. Lito Jopson, Catholic News flash

Comments
Post a Comment