Panawagan para sa Pagkilatis at Integridad sa Halalan sa Mayo 12 - Bp. Bagaforo


Mayo 11, Kidapawan - Sa nalalapit na halalan bukas, Mayo 12, nananawagan ang Caritas Philippines sa bawat Pilipino na bumoto nang may buong pagkilala sa konsensya, integridad, at pagmamahal sa bayan.

Sa isang pahayag ni Bishop Jose Colin Bagaforo, National Director ng Caritas Philippines, kanyang binigyang-diin na ang halalan ay hindi lamang isang pampulitikang proseso, kundi isang moral na tungkulin. Aniya, ang ating mga boto ay repleksyon ng mga pagpapahalagang ating pinanghahawakan — at may kapangyarihang hubugin ang kinabukasan ng bansa.

Hinikayat ng obispo ang mga botante na piliin ang mga kandidatong may integridad, kakayahan, at tunay na malasakit sa kapakanan ng nakararami. Sa harap ng mga hamon tulad ng kahirapan, katiwalian, at pagkasira ng kalikasan, mahalaga raw ang lider na may malinaw na pananaw at konkretong solusyon.

Ilan sa mga gabay na binanggit ng Caritas Philippines sa pagpili ng kandidato: Tumitindig ba sila para sa kasarinlan ng bansa, lalo na sa usapin sa West Philippine Sea? Bahagi ba sila ng mga “fat dynasties” na inuuna ang kapangyarihan kaysa sa serbisyo? Gumagamit ba sila ng fake news, pananakot, at kabastusan sa pakikipagkomunikasyon?

Pinaalalahanan din ang publiko na huwag magpalinlang sa ayuda kapalit ng boto. Ang dangal ng mamamayan, ayon kay Bishop Bagaforo, ay hindi dapat ipinagbibili. Sa halip, pumili tayo ng mga lider na makatao, maka-Diyos, at tunay na tagapagtanggol ng katarungan at pagkakapantay-pantay.

Mula sa Caritas Philippines: gawing moral na panibagong simula ang halalang ito. Huwag lang bumoto para sa pag-asa — bumoto ayon sa konsensya, pananampalataya, at pagmamahal sa bayan./ Fr. Lito Jopson, Catholic Newsflash

Comments

Popular posts from this blog

Cardinal Re, nanawagan sa panalangin, pagkakaisa, at isang Santo Papa "ayon sa puso ng Diyos" sa pagsisimula ng Conclave

Sino si Leo XIV?

2nd voting: still no Pope