Papa Leon XIV, nanawagan na magkaisa, manampalatayang may kagalakan, at maging saski ni Kristo sa unang Missa Pro Ecclesia
Mayo 9, 2025, Lungsod ng Vaticano - Sa kanyang unang homiliya bilang bagong Santo Papa, nanawagan si Papa Leon XIV sa Simbahang Katolika na magkaisa, manampalataya nang may kagalakan, at maging matapang na saksi ni Kristo sa makabagong mundo.
Ito ay sa Missa Pro Ecclesia na ginanap ngayong umaga sa Sistine Chapel, kasama ang mga Kardinal na bumoto sa kanya bilang ika-267 Santo Papa. Sa panimulang salita sa Ingles, ipinahayag niya ang pasasalamat: “I will sing a new song to the Lord, because He has done marvels,” at inanyayahan ang lahat na kilalanin ang kabutihan ng Diyos.
Sa kanyang homiliya sa wikang Italyano, binigyang-diin niya ang sinabi ni San Pedro: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay,” bilang pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano. Babala niya, sa kasalukuyang panahon, maraming tao ang tumatanggap kay Hesus bilang isang mabuting tao lang—isang “superman”—ngunit hindi tunay na Diyos. Ani Papa Leon, maging sa mga binyagan, umiiral ang tinatawag niyang “praktikal na ateismo.”
Ipinaalala rin niya ang dalawang karaniwang tugon ng mundo kay Hesus: pagtanggi ng mga makapangyarihan, at pansamantalang paghanga ng mga tao na nawawala rin sa oras ng pagsubok. Ang ganitong kalagayan, aniya, ay hindi nalalayo sa nangyayari ngayon—kung kailan mas pinipili ang pera, teknolohiya, kapangyarihan, at kasiyahan kaysa pananampalataya.
Hamon ng Santo Papa: mas lalong kailangang maglingkod at magmisyon ang simbahan sa ganitong mga lugar. “Ito ang mundong ipinagkatiwala sa atin,” wika niya. Tinapos niya ang homiliya sa panalangin na siya’y bigyan ng Diyos ng grasya na maglingkod nang may kababaang-loob at itaas si Kristo higit sa lahat./ Fr. Lito Jopson, Catholic News flash
.png)
Comments
Post a Comment