PPCRV, nagpapaalala na piliin ang mga opisyales na may mabubuting katangiang Pilipino


Mayo 6, 2025, Maynila - Mula sa Tibok Pinoy na inilathala ng PPCRV o Parish Pastoral Council for Responsible Voting, magandang ipaalala ang mga katangian ng isang Pilipino bilang Maka-Diyos, Matapat, Magalang, Masipag, Matulungin, Makabayan, at Mapanuri bago pumunta sa polling places upang bumoto sa May 12, 2025. 

Layunin ng Tibok Pinoy na ibalik ang moral at espiritwal na pundasyon sa mga paaralan at komunidad, upang hindi lamang maging mabubuting botante kundi mabubuting mamamayan sa pangkalahatan.

Sa kanilang podcast, inilalahad ang mga tunay na kwento ng kabayanihan, katapatan, sipag, at malasakit mula sa ordinaryong Pilipino—tulad ng janitor na si Ronald Gadayan na nagsauli ng bag na naglalaman ng milyong halaga ng pera at alahas, kahit walang nakakita. Layunin nitong gabayan ang bawat isa na mamuhay ayon sa tama at tapat, kahit walang nanonood, at matutong magpakatao sa gitna ng modernong hamon ng lipunan.

Bagama't kilala ang PPCRV bilang tagapagbantay ng boto tuwing halalan, nais ng pamunuan na baguhin ang pananaw na ang "voter's education" ay limitado lamang sa araw ng halalan. Sa pamamagitan ng Tibok Pinoy, nais nilang itanim ang ideya na ang bawat araw ay pagkakataon upang maging isang modelong Pilipino — isang taong may malasakit, may prinsipyo, at may puso para sa bayan.

Ang mga materyales ay maaaring ma-access ng libre sa kanilang website sa ppcrv.org.  Ang Tibok Pinoy ay hindi lamang isang proyekto—ito ay isang panalangin, isang panawagan, at isang pag-asang muling sisibol ang mga kahalagahan sa puso ng bawat Pilipino./ Fr. Lito Jopson, Catholic Newsflash

Comments

Popular posts from this blog

Cardinal Re, nanawagan sa panalangin, pagkakaisa, at isang Santo Papa "ayon sa puso ng Diyos" sa pagsisimula ng Conclave

Sino si Leo XIV?

2nd voting: still no Pope